Labor groups, sinupalpal ng Palasyo; Mga kilos-protesta, nagtataboy ng foreign investors
Sinopla ng Palasyo ng Malakanyang ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang labor groups sa pagtawag sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na anti-poor at walang nagawa sa sector ng paggawa.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, itinataboy lamang ng mga kilos-protesta ng labor group ang mga dayuhang mamumuhunan dahilan para mawalan ng trabaho ang ilang manggagawa.
Bukod dito, sinabi ni Panelo na mistulang hindi rin kinikilala ng labor sector ang mga nagawa na ng pangulo para tiyakin ang kapakanan ng kanilang hanay.
Halimbawa na lang ayon kay Panelo ang paglagda sa mga batas na Republic Act No. 11165 o ang Work From Home law, pagpapalawig sa maternity leave ng female workers o ang Republic Act 11210, Executive Order 51 na nagbibigay proteksyon sa tenure ng mga manggagawa, pagkakaloob ng gratuity pay sa mga job order at contract service workers sa pamahalaan sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Administrative Order No. 2 at iba pa.
Ibinida rin ni Panelo ang mga nagawa ng administrasyon para sa mga overseas Filipino worker (OFW) kung saan naitatag ang one-stop service center, 24/7 OFW Command Center at Overseas Filipino Bank.
Bukod pa rito, ang mga nalagdaang bilateral labor agreements sa Cambodia, Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE) at Kuwait.
Ayon kay Panelo, patuloy na pagsusumikapan ng administrasyon na mabigyang-proteksyon ang bawat Filipinong manggagawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.