Duterte, hindi kailangang magpaliwanag sa ouster plot matrix – Palasyo

Wala nang nakikitang rason ang Palasyo ng Malakanyang para magpaliwanag pa si Pangulong Rodrigo Duterte sa ouster plot matrix o pagsasabwatan ng Rappler, Vera Files, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of Peoples’ Lawyer (NUPL) para patalsikin sa puwesto ang punong ehekutibo.

Pahayag ito ng Palasyo sa gitna ng panawagan ng mga kagawad ng media at abogado na magpaliwanag ang punong ehekutibo ukol sa naturang usapin.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ang matrix ay isa lamang plot o plano o ideya.

“Those named in the matrix demand proof of their participation in the ouster plot. Such is totally unnecessary,” pahayag ni Panelo.

Hindi aniya maituturing na conspiracy ang matrix hanggat walang ispesipikong aksyon na ginagawa ang mga inaakusahan para patalsikin sa puwesto ang pangulo.

Nangatwiran pa si Panelo na ang nakuhang impormasyon ni Pangulong Duterte ay hindi direktang nangangahulugan na galing sa ibang bansa.

Maari aniyang isang Filipino citizen ang nakakuha ng impormasyon at ibinahagi lamang sa pangulo.

Mali rin aniya na akusahan ang pangulo na nakuha ang naturang impormasyon sa pamamagitan ng wiretapping o iba pang uri ng ilegal na pamamaraan.

April 22 nang ilabas ni Panelo ang matrix na galing umano sa ibang bansa.

Read more...