Endo, kayang tuldukan ng gobyerno sa loob ng anim na taon – Abayon
Naniniwala si House Deputy Minority Leader Harlin Neil Abayon na kayang wakasan ng pamahalaan ang ‘endo’ o end of contract scheme sa sektor ng paggawa sa loob ng anim na taon.
Ayon kay Abayon, 40 percent ng problema sa endo ang maaaring masolusyunan ngayong taon kung bubuksan para sa mga manggagawa ang 264,000 vacant plantilla positions sa gobyerno.
Mas makabubuti rin aniya kung lilikha ng 80,000 regular positions sa public office kada taon mula 2020 hanggang 2024 upang tuluyang makawala sa endo ang 660,000 contractuals at casual employees.
Paliwanag ng kongresista, kadalasang nangyayari sa gobyerno ay ipino-promote ang mga kawaning nagtatrabaho na sa kagawaran patungo sa bakanteng plantilla position habang ang iiwang mas mababang puwesto ay ibibigay sa mga bagong empleyado.
Dahil dito, umapela siya sa Civil Service Commission (CSC) na ayusin na ang injustice sa mga manggagawa dulot ng patuloy na pag-iral ng endo at kontraktwalisasyon gaya ng ginawang pagtugon sa libreng edukasyon at health care.
Nitong July 31, 2018 ay nasa 264,000 authorized government positions ang hindi pa napupunuan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.