‘Endo’ pagsusumikapang matuldukan ni Pangulong Duterte bago matapos ang termino
Pipilitin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na matuldukan ang problema ng mga ordinaryong manggagawa na ENDO o End of Contract bago matapos ang kanyang termino sa taong 2022.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, inoobliga na ng pamahalaan ang mga kumpanya na iregular ang kanilang mga empleyado.
Gayunman, hindi pa rin maiiwasan ang seasonal contract ng mga manggagawa katulad na lamang tuwing panahon ng Pasko o pasukan ng klase.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na kalahating milyong manggagawa na ang naregular mula nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang executive order noong nakaraang taon na nangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa.
Sa panig ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinabi nito na tinutugunan na ng pangulo ang problema ng mga manggagawa.
Ipinauubaya na rin aniya ng palasyo sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang pagpapasya sa hirit ng labor group na P710 na dagdag-sahod sa mga manggagawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.