Mga misa sa Sri Lanka ipagpapatuloy na simula sa Linggo

AP photo

Isasagawa na muli ang mga public Masses sa Sri Lanka simula sa Linggo, Mayo 12.

Ito ay matapos ang serye ng pambobomba sa mga simbahan at hotel sa nasabing bansa noong Abril 21, Easter Sunday kung saan 253 katao ang nasawi.

Ayon kay Colombo Archbishop Cardinal Malcolm Ranjith, mahigpit na binabantayan ng Simbahan ang imbestigasyon ng gobyerno sa mga pag-atake.

Pinasisiguro rin ang seguridad bago ibalik ang daily services.

Paunti-unti munang ibabalik ang mga Misa at dadagdagan ito depende sa pagganda ng sitwasyon.

Noong Linggo, pinangunahan ni Cardinal Ranjith ang private memorial Mass na na-ibroadcast ng live sa telebisyon.

Naging mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad at may armored personnel carrier na inilagay sa tinitirhan ng Cardinal.

Gayunman, ibinalik umano ng Cardinal ang isang bullet-proof limousine na ibinigay ng gobyerno at bumiyahe siya gamit ang ordinaryong sasakyan.

Hindi anya siya natatakot dahil ang Panginoon ang kanyang tagapag-protekta.

Mas nais anya niya ng seguridad para sa mananampalataya at sa bansa.

Samantala, tinanggal na ang nationwide social media ban sa Sri Lanka araw ng Martes.

Ipinatupad ang ban upang maiwasan ang pagkalat ng pekeng balita online.

Ang mga naapektuhang social media sites ng temporary ban ay Facebook, WhatsApp, Instagram, YouTube at Snapchat.

Read more...