Ipinananawagan ng labor leaders kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtupad nito sa kanyang mga pangako noong kampanya para sa mga manggagawa.
Iginiit ni Kilusang Mayo Uno Chairperson Elmer Labog na nagpapatuloy ang labor-contracting hanggang sa ngayon at dapat na ring magpatupad ng nararapat na umento sa sahod.
“We have long and consistently called for a just end to pervasive contractualization of labor, yet the practice of labor-contracting, job-only contracting and other forms of flexible labor [engagement] remain prevalent among the working people,” ani Labog.
Panawagan ni Labog ang umento sa sahod sa lalong madaling panahon at ang pagtatakda sa isang pambansang minimum wage upang makaagapay ang mga manggagawa sa epekto ng inflation at pagtaas ng cost of living.
“The sharp increase in inflation and cost of living has already eroded the value of existing wages. We call for an immediate wage increase and a national minimum wage for all workers in the country,” giit ng labor leader.
Sinabi naman ni Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Sonny Matula at Joshua Mata ng Sentro-Nagkaisa na ang tuluyang pagsasabatas sa Security of Tenure bill ay unang hakbang para tuldukan na ang kontraktwalisasyon.
Responsibilidad umano ni Pangulong Duterte ang paghimok sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso na ipasa na ang Security of Tenure bill.
Ipoprotesta naman ng Tindig Pilipinas ang pagdami ng mga manggagawang banyaga sa bansa.
Sa Mendiola inaasahang magtitipon-tipon ang labor groups ngayong araw.
Isang effigy na kulay pula, mahaba ang dila at apat ang sungay ang ipaparada ng mga grupo.