Operasyon ng PAL nananatiling normal sa gitna ng peak season traffic
Nananatiling normal ang operasyon ng Philippine Airlines (PAL) sa gitna ng peak summer season.
Naglabas ng pahayag ang flag carrier dahil sa maraming queries mula sa mga pasahero kasabay ng kanselasyon ng Cebu Pacific ng mga biyahe.
Sa isang statement, sinabi ng PAL na kasulukuyan silang nag-ooperate sa kanilang full regular schedule para sa kanilang domestic at international flights.
Normal umano ngayon ang flights at airport operations ng PAL sa airline hubs sa Maynila, Cebu, Clark at Davao.
“Philippine Airlines wishes to provide assurance that we are operating our full regular schedule of flights for both domestic and international route networks. Our flights and airport operations remain normal at our hubs in Manila, Cebu. Clark and Davao,” ayon sa PAL.
Noon pang Abril 28 ay nagkansela na ng biyahe ang Cebu Pacific dahil sa umano’y damaged aircraft at heavy traffic.
Araw ng Martes ay inanunsyo ng airline na magbabawas sila ng 10 biyahe kada araw ngayong buwan ng Mayo para maibalik sa normal ang kanilang operasyon.
Samantala, sinabi ng PAL na handa silang makipagtulungan sa aviation at transport authorities sa pagbibigay ng suporta at tulong sa mga bibiyaheng pasahero ngayong summer season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.