Daan-daan lumahok sa ‘Alay Lakad’ mula Quiapo hanggang Antipolo
Dinagsa ng mga deboto ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje o Birhen ng Antipolo at ng Itim na Nazareno ang taunang penitential walk mula Basilika ng Quiapo hanggang sa Katedral ng Antipolo.
Ang taunang Alay Lakad na ito tuwing huling linggo ng Abril ay hudyat ng pagsisimula ng Antipolo Pilgrimage Season.
Isang motorcade ang naganap noong Linggo ng hapon kung saan dinala ang imahen ng Birhen ng Antipolo sa Quiapo Church na sinundan ng arrival Mass at bihilya.
Pagsapit naman ng alas-6:00 gabi ng Martes isinagawa ang farewell mass at sinundan na ng Alay Lakad ganap na alas-8:00 ng gabi.
Ang gawaing ito ay paggunita sa pagbabalik ng imahen ng Birhen sa kanyang dambana sa Antipolo matapos pansamantalang mamalagi sa Quiapo Church.
Nasira ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang Antipolo Church dahilan para ilipat ang imahen sa Quiapo.
“Walk for Peace” ang tema ng Alay Lakad ngayong taon.
Inaasahang makakarating ang imahen ng Birhen at ang mga deboto sa Antipolo Cathedral madaling araw ng Miyerkules at agad itong susundan ng banal na Misa ganap na alas-5:00 ng umaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.