Sa inilabas na opisyal na pahayag ng kampo ni Crisologo, sinabi ng 1st District Representative na gawa gawa lamang ang reklamo na isinampa sa Commission on Elections (Comelec) araw ng Lunes.
Ayon kay Crisologo, lamang siya sa mga survey kaya gumagawa ng mga paninira ang kanyang mga kalaban.
Kinontra ni Crisologo ang ginamit na isyu sa disqualification case na umanoy conditional pardon lamang ang ibinigay sa kanya para sa kinasangkutan nito dati na kasong arson.
Ipinakita ng kongresistang tumatakbong alkalde ng lungsod ang certification ng absolute pardon na inilabas ng Office of the President noong 1986.
Binanggit din ni Crisologo ang pagbasura ng Comelec sa kaso noong 2004 kung kailan ito unang sinampahan ng disqualification case dahil sa kawalan ng merito.
Kumpyansa si Crisologo na hindi siya madidiskwalipika sa pagtakbo bilang Mayor ng syudad sa May 13 elections dahil nabasura na ang dating kaso laban sa kanya.