41 journalists dumulog sa SC bilang suporta sa Rappler

Umaabot sa 41 mga journalist ang sumama sa Rappler sa kanilang pagdulog sa Supreme Court para tuldukan na ang pagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing online news firm na mag-cover sa kanyang mga aktibidad.

Sa kanilang petisyon, sinabi ni Atty. Theodore Te ng Free Legal Assistance Group (Flag) na gusto ng nasabing mga mamamahayag na ideklara ng Supreme Court na unconstitutional ang pagbabawal ng pangulo sa Rappler.

Hiniling rin ng grupo na magtakda ang Mataas na Hukuman ng oral argument sa nasabing isyu.

Laman ng kanilang petisyon ang isinasaad sa Saligang Batas na pagtataguyod ng malayang pamamahayag sa ating bansa.

Nauna dito ay nagpasaklolo rin sa Supreme Court ang Rappler dahil sa umano’y pangigipit sa kanila ng Malacañang.

Bago ito ay nanindigan ang palasyo na walang mali sa kanilang ginawang pagbabawal sa Rappler sa pagko-cover sa pangulo dahil sa paglabag rin nila sa Saligang Batas.

Nanindigan ang Malacañang na ang Rappler ay pinopondohan ng ilang foreign entity tulad ng Omidyar Group na paglabag sa batas may kaugnayan sa media ownership.

Kabilang naman sa mga mamamahayag na sumama sa pagpa-file ng petisyon sa SC ay sina John Nery, Marites Vitug, Inday Varona, Solita Monsod, Nikko Dizon, Lourd de Veyra, Marlon Ramos, Melina Quinto De Jesus, Vergel Santos, Florangel Braid, Luis Teodoro, Tina Palma, Atom Araullo, Sandra Aguinaldo,Mariz Umali at Raffy Tima.

Read more...