Umento sa sahod sa May 1 malabo ayon sa DOLE

Hindi posible ang inihihirit na umento sa sahod sa Metro Manila kasabay ng Labor Day bukas (May 1) ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa panayam ng media, sinabi ni Labor Undersecretary Ciriaco Lagunzad na batay sa kanilang timeframe ay hindi posible ang pagpapatupad Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng dagdag sahod sa mismong Araw ng Paggawa.

“We only have today to call for a meeting. Based on the timeframe, we cannot announce a wage increase on May 1,” ani Lagunzad.

Sinabi pa ni Lagunzad na hindi rin sakop ng huridiksyon ng RTWPB ang inihihirit na across-the-board wage hike para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Ang pahayag ng DOLE ay matapos ang petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na P710 kada araw na across-the-board wage hike para sa mga mangagagawa ng Metro Manila.

Sinabi naman ni Lagunzad na maaaring pag-aralan ng board ang petisyon ng TUCP kung may ‘supervening condition’ o sapat na dahilan para itaas ang sahod ng minimum wage earners.

Ani Lagunzad, kung may supervening condition, maaaring ikonsidera ng board ang pagsuri sa wage petition.

Sa kanilang petisyon, iginiit ni TUCP President Raymond Mendoza na undernourished ang minimum wage earners sa Metro Manila dahil hindi sapat ang kanilang sahod para sa arawang mimimum nourishment requirement.

Read more...