Terrence Romeo, posibleng magretiro na sa PBA kapag nanalo ang SMB sa finals
Seryoso si Terrence Romeo sa planong early retirement sa PBA sakaling masungkit ng San Miguel Beermen ang Philippine cup title sa ikalimang sunod na pagkakataon.
Ito ang una at maaring huling PBA finals ni Romeo.
Sa panayam ng reporters sa 2019 Philippine Cup Finals press conference sa Eastwood, sinabi ni Romeo na kampeonato na lamang ang kulang sa kanya.
Sakaling manalo ang Beermen ay talagang seryoso anya niyang ikokonsidera ang pagreretiro sa basketball.
“Kumbaga, one game at a time tapos kung makukuha namin yun, kahit papaano nakuha ko na yung pinakakulang para sakin. I mean, kulang na award para sa sarili ko. Tapos yun, baka magretire na ko after. Hindi na ako magbabasketbol, retire na pag nag-champion kami. Isang championship lang,” ayon sa PBA player.
Simula noong nasa kolehiyo ay hindi umano nakaranas ng kampeonato si Romeo kaya’t ito ang kanyang ultimate dream.
“Pag-iisipan ko pa, pag-iisipan ko pa kasi yun lang talaga yung pinaka-dream ko eh, mag-champion sa PBA kasi wala nga akong championship simula college days ko, high school days tapos nagchachampion ako kumbaga sa barangay lang,” dagdag nito.
Sinabi naman ni SMB head coach Leo Austria na alam niya na ang planong pagreretiro ni Romeo noon pang naging miyembro ng Beermen via trade ang manlalaro.
Makahaharap ng SMB ang Magnolia Hotshots sa ikalawang sunod na PBA finals.
Ang game 1 ng best-of-seven final series ng dalawang koponan ay mamayang alas-7:00 ng gabi na sa Araneta Coliseum.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.