PCSO nagbigay ng P6.5M na tulong sa Pampanga at Zambales
Naglaan ng P6.5 milyon na tulong pinansyal ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pampanga at Zambales na lubhang napinsala ng magnitude 6.1 na lindol noong nakaraang linggo.
Ayon kay PCSO board member Sandra Cam, napagkasunduan ng board na magbigay ng P5 milyong tulong sa Pampanga at P1.5 milyon naman sa Zambales.
Ang calamity assistance fund na ito ay ibinigay matapos ang isinagawang assessment ng PCSO sa mga naging pinsala ng lindol.
Samantala, nakatakda ring magbigay ng medical assistance ang PCSO sa mga biktima ng lindol na nasa ospital pa rin hanggang ngayon sa pamamagitan ng Individual Medical Assistance Program (IMAP).
May ibibigay ding artificial legs ang ahensya para kina Maria Lourdes Martin at Desiree Pacun na naputulan ng paa noong kasagsagan ng lindol.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) araw ng Lunes, 18 ang nasawi sa lindol, hindi bababa sa 243 ang nasugatan habang tatlo pa ang nawawala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.