Comelec mataas ang lebel ng kahandaan para sa May 13 elections

Kumpyansa ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang kahandaan para sa nalalapit na May 13 midterm elections.

“Very high” ang pagsasalarawan ni Comelec spokesperson James Jimenez sa antas ng kahandaan ng poll body para idaos ang halalan.

“We are at a very high level of preparedness by this time,” ani Jimenez.

Sa isang press conference, sinabi ni Jimenez na kabilang na sa ginagawang paghahanda ay ang pagsama sa mga insidente ng lindol sa refresher courses ng Board of Election Inspectors (BEI).

Kasalukuyan na rin anyang isinasagawa ang inspeksyon sa mga paaralang gagamitin bilang polling centers.

Giit ni Jimenez, kung nakakabahala ang structural integrity ng isang pasilidad ay agad silang makikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) para sa paglilipat ng polling place.

Maliban sa mga paaralan ay iniinspeksyon na rin ang ilang transmission facilities tulad ng communication towers at cables.

Samantala, kung kakailanganin ang paglikas sa panahon ng lindol, tiniyak ni Jimenez na sisiguruhin ng BEI ang kaligtasan ng ballot boxes.

Read more...