Resulta ng imbestigasyon sa tanim-bala sa NAIA ilalabas na ng NBI
Inaasahang ilalabas na bukas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa tinaguriang TALABA o Tanim,Laglag Bala sa NAIA.
Bukas ang huling araw ng extension na ibinigay ng Department of Justice sa NBI Special Task Force para imbestigahan ang TALABA modus sa paliparan.
Sa isang text message, sinabi ni Justice Undersecretary at DOJ Spokesman Emmanuel Caparas na inaasahang bukas ay malalaman na ng publiko ang resulta ng ginawang imbestigasyon ng ilalabas ng NBI.
Bagama’t nakapagsumite na ng inisyal na resulta ang NBI sa DOJ, ayaw pa naman itong ilabas ni USec. Caparas dahil hihintayin pa umano ang buong report.
Magugunitang noong kalagitnaan ng Nobyembre ang unang palugit na ibinigay ng DOJ sa NBI task Force para tapusin ang imbestigasyon sa tanim bala isyu subalit humingi sila ng dagdag 15 araw na pinagbigyan naman ni Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguiao.
Umani ng batikos hindi lamang sa loob ng bansa kundi maging sa ibayong-dagat ang sinasabing modus ng ilang mga tiwaling tauhan ng NAIA na posible umanong nasa likod ng nasabing gawain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.