PNP: Armadong mga lalaki na nambugbog sa drug suspect, kumpirmadong mga pulis

CCTV screengrab

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde na mga pulis ang mga armadong lalaki na nambugbog sa isang drug suspek sa Talamban, Cebu.

Nag-viral sa social media ang video ng pambubugbog sa lalaking nakilala na si Eddie Basillote.

Sa isang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na ayon sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), miyembro ng PNP ang mga armadong lalaki.

Sa video, makikita na pinagsasampal, pinagsusuntok, sinipa at pinalo ng silya at baril si Basillote kahit ito ay nakaposas na.

Ang nag-upload ng video sa social media ay pinsan ng biktima.

Iginiit ng pinsan ni Basillote na walang dalang search o arrest warrant ang mga pulis.

Sinabi ni Albayalde na ang mga pulis na nambugbog ay nasa kustodiya ngayon ng Cebu Police habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.

Read more...