DOH: Kaso ng tigdas bumaba na, deklarasyon ng outbreak hindi pa tatanggalin
Hindi pa babawiin ng Deparment of Health (DOH) ang deklarasyon ng measles outbreak sa apat na rehiyon sa bansa.
Sa panayam ng media sa isang vaccination program sa Tondo, Maynila araw ng Lunes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na bumaba na ang kaso ng tigdas ngunit hindi pa tapos ang outbreaks.
“We are seeing fewer measles cases. But I would not say that the outbreaks are over. You can probably do that at the local level but not at the regional or national level,” ani Duque.
Ayon kay Duque, under control na ang kaso ng tigdas sa National Capital Region, Central Luzon, Central at Western Visayas.
Pero babawiin lamang anya ng DOH ang deklarasyon ng outbreak sakaling maabot ang 95 percent immunization rate para sa lahat ng vaccine-preventable diseases.
Sa barangay level, patuloy na umaarangkada ang bakuna ng gobyerno sa mga bata kontra tigdas, tetanus, diphtheria, pertussis, hepatitis B at haemophilus influenza Type B.
Sinabi ni Duque na ang kumpyansa ng publiko sa vaccination program ng gobyerno ay gumanda batay sa pag-aaral ng Philippine Survey Research Center.
Batay sa survey na kinomisyon ng Malacañang umabot na umano sa 89 percent ng mga Filipino ang nagsabing ligtas ang bakuna kumpara sa 66 percent noong Abril 2018.
Ang mga naniniwala namang epektibo ang bakuna ay umakyat sa 91 percent mula sa 68 percent.
Sa tala naman ng DOH, nasa 3.8 milyong bata edad anim hanggang 59 buwan ang nabakunahan sa kasagsagan ng outbreak-response vaccination activities.
Inaasahang mas marami namang bata ang mabakukunahan pa sa pagbabalik ng klase sa Hunyo.
Samantala, isang public service announcement (PSA) ang inilabas ng DOH ngayong World Immunization Week na humihikayat sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.