Palasyo: Paggamit ni Duterte sa intel info mula ibang bansa, hindi kataksilan
Nanindigan ang Palasyo ng Malakanyang na hindi treason o kataksilan ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng intelligence information mula sa ibang bansa ukol sa umanoy sabwatan ng ilang kagawad ng media at National Union of People’s Lawyer (NUPL) para patalsikin siya sa puwesto at pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang nilalabag na batas si Pangulong Duterte ukol sa naturang usapin taliwas sa banat ni Vice President Leni Robredo na labag umano sa Konstitusyon ang umanoy pang-iispiya ng ibang bansa sa mga Filipino.
Ayon kay Panelo, iginagalang ng Palasyo ang pahayag ni Robredo.
Gayunman, iginiit ni Panelo na hindi illegal ang ginawa ng Pangulo.
Bahagi lamang aniya ito ng intelligence information sharing ng iba’t ibang bansa.
Hindi naman na tinukoy ni Panelo kung saang bansa galing ang impormasyon na nagsasabwatan umano ang Vera Files, Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at NUPL para patalsikin sa puwesto ang Pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.