Panelo: Marawi rehab plan hindi inabandona ng Malacañang
Nilinaw ng Malacañang na patuloy pa ring gagastusan ng gobyerno ang rehabilitasyon sa Marawi City matapos sumiklab ang giyera noong May, 2017 dulot ng panggulo ng ISIS-inspired na Maute group.
Pahayag ito ng palasyo matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na gagastos ang pamahalaan ng kahit na isang sentimo para sa rehabilitasyon sa mga negosyo.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa ngayon ay naka focus ang atensyon ng gobyerno sa pagtulong sa mga ordinaryong mamayan na naapektuhan ng giyera.
Dagdag ni Panelo, hahayaan na muna ng gobyerno ang mga negosyante na makatayo sa sariling paa at magsagawa ng sariling rehabilitasyon sa kanilang mga negosyo dahil sa mayroon naman silang mga sariling pera.
Kapag nakita aniya ng pamahalaan na hindi na kaya ng mga negosyante na makabalik sa dating negosyo, maari naman silang humingi ng tulong sa gobyerno sa pamamagitan ng utang o loan.
Uunahin din aniya ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga ospital at iba pang health facilities.
Nanindigan naman si Panelo na hindi kinukulang ang gobyerno sa pondo sa rehabilitasyon dahil bukod sa nakalaang budget, maraming donasyon mula sa ibang bansa ang pumapasok.
Aabot sa P62 Billion ang inilaang pondo ng gobyerno para sa rehabilitasyon sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.