Nadine Lustre itinanghal na Best Actress ng 67th FAMAS

VIVA ARTISTS Agency / IG

Si Nadine Lustre ang itinanghal na Best Actress sa katatapos lamang na 67th Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards sa Meralco Theater Linggo ng gabi.

Nakamit ni Lustre ang karangalan dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang “Never Not Love You.”

Nakalaban ng aktres para sa award ang ilan sa malalaking pangalan sa showbiz industry tulad nina Judy Ann Santos, Angelica Panganiban, Anne Curtis at Sarah Geronimo.

Sa kanyang acceptance speech, inalala ni Lustre ang makailang beses na binalak na pagsuko dahil sa isang problemang dumating sa kanyang buhay ngunit siya anya ay nagpatuloy.

“October 2017 may malaking bagyo na dumating sa buhay ko, sobrang laki ng damage na ginawa sa buhay ko. Ilang beses ko din po gustong umatras. Kahit po nandun ako sa lowest point ng buhay ko, naitawid ko po with flying colors,” ani Lustre.

Samantala, nakuha naman nina Eddie Garcia at Victor Neri ang Best Actor award para sa mga pelikulang “ML” at “A Short History of a Few Bad Things”.

Hakot-parangal ang pelikulang “Gusto Kita With All My Hypothalamus” na nakuha ang Best Picture, Best Director at Best Original Screenplay para kay Dwein Baltazar.

Ang FAMAS ang itinuturing na Oscars ng Pilipinas.

Read more...