2 patay, 1 sugatan sa paghulog ng motorsiklo sa bangin sa Romblon

By Angellic Jordan April 28, 2019 - 03:37 PM

Patay ang dalawa katao habang matinding nasugatan ang isa pa makaraang mahulog ang sinasakyang motorsiklo sa bangin sa Santa Maria, Romblon.

Ayon sa Santa Maria Municipal Police Station, kinilala ang mga nasawi na sina Lloyd Ramirez Romeo, 21-anyos, at Joseph Mustasa, 18-anyos, na parehong residente ng Sitio Cabugao sa Barangay Bonga.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng dalawa kasama ang sugatang drayber na si Angelo Miñeque, 24-anyos, ang national road mula sa Barangay Calagonsao sa bayan ng Alcantara nang mangyari ang aksidente.

Nawalan ng kontrol ang drayber sa pakurbang bahagi ng kalsada na naging dahilan ng pagkahulog nito sa bangin.

Lumabas din sa imbestigasyon na nakainom ang mga biktima nang mangyari ang aksidente matapos dumalo sa piyesta sa Barangay Calagonsao.

Isinugod ang tatlo sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital malapit sa Looc ngunit tanging si Miñeque lang ang nakaligtas.

Samantala, inilipat na si Miñeque sa Romblon Provincial Hospital para sa mas masusing medical examination.

TAGS: bangin, motorsiklo, Romblon, Santa Maria, bangin, motorsiklo, Romblon, Santa Maria

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.