Tatlo, sugatan sa pagsabog ng granada sa Matalam, North Cotabato
Tatlo katao ang sugatan sa pagsabog ng granada sa isang burol sa Barangay Kibodoc, Matalam North Cotabato madaling araw ng Martes.
Pinangalanan ni Matalam Police Chief Senior Insp. Sunny Leoncito ang mga biktima na sina Jeffrey Onoc, 23; Bernie Cristobal, 34; at Benito Samillano, 49 pawang mga residente ng naturang barangay at nagtamo ng tama ng shrapnel kaya agad na isinugod sa Cotabato Provincial Hospital.
Ayon kay Leoncito, nagpapahinga ang mga biktima sa lobby ng Collado Funeral Homes matapos dumalo sa isang burol nang sumabog ang isang fragmentation grenade.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magkaroon ng pagsabog sa nasabing bayan.
Noong Biyernes, lima katao ang sugatan ang sumabog ang granada malapit sa isang rotunda.
Dahil sa insidente, iniutos na ni Mayor Oscar Valdevieso sa pulisya na magpatupad ng mahigpit na seguridad sa kanilang bayan lalot nalalapit ang kapistahan sa lugar.
Hiniling naman ni North Cotabato Governor Emmylou Mendoza ang masusing imbestigasyon sa insidente at kung sino ang nasa likod nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.