“Quality education begins with quality teachers. And to have good quality teachers in our public schools we need to pay them well. Let us give them a respectable compensation,” ani Angara said sabay apela sa pamahalaan na bigyan ang mga guro ng tamang umento sa sahod.
Dagdag ni Angara, tiyak na hindi lang pera ang motibasyon ng mga guro dahil karamihan sa mga ito may dedikasyon at mahal ang kanilang trabaho.
Pero ang mga guro anya ay hindi mga martir at dapat pahalagahan at paswelduhin ng tama.
Una rito ay nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na tataas ngayong taon ang take home pay ng mga guro sa public schools.
Hindi binanggit ng Pangulo kung magkano ang dagdag sweldo ng mga guro pero tiyak anyang ang ibibigay ay mas mataas sa ikaapat at huling bugso ng salary increase sa lahat ng nagtatrabaho sa gobyerno.
Noong nakaraang taon ay ipinangako na ng Pangulo na itataas ang sahod ng mga guro matapos doblehin ang basic pay ng mga sundalo at pulis.
Umaasa si Angara na ang pay adjustment sa mga guro ay katulad o malapit sa halaga na kanyang isinusulong mula 2016 nang ihain niya ang Senate Bill 135.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, ang minimum salary grade level ng mga guro ay babaguhin sa Salary 19 mula 11 o doble ng kanilang kasalukuyang base pay na P20,179 hanggang P42,099.
Ayon pa kay Angara, ang mababang sweldo ng mga guro ang dahilan kaya kaunti ang pumapasok sa nasabing propesyon.
Habang pang-engganyo naman anya ang pay increase para sa mas maraming kwalipikado at mahusay na mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa pagdoble ng sweldo ng mga guro, kailangan ang pondo na nagkakahalaga ng P343.7 billion.
Inirekomenda ng Congressional Commission on Education (EDCOM) noong 1991 na itaas ang minimum salary levels ng mga guro.
Ngayong taon, kukuha ang DBM ng independent firm na mag-aaral sa sweldo ng mg guro at ibang government personnel mula 2020 hanggang 2022.
Nanawagan si Angara sa DBM na gawing prayoridad ang pay hike ng mga guro sa 2019 national budget para malaman kung anong mga pondo ang pwedeng ma-realign.
“Our teachers are considered to be the heart of the educational system. The government needs to give priority to their welfare and interests,” pahayag ni Angara.