Kasunod ng endorsement ng ilang malalaking pangalan sa pulitika, tatlong mga artista naman nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni re-electionist Senator Bam Aquino upang makabalik siya sa Senado.
Hindi man nakasama sa kampanya dahil sa pagsilang ng una nilang anak na lalake ni Marian Rivera, nagparating naman ng buong suporta ang aktor na si Dingdong Dantes sa kandidatura ni Bam.
Sa kanyang post sa Twitter, nanindigan si Dingdong na dapat makabalik sa Senado si Bam dahil marami pa siyang magagawa para sa mga kabataang Pilipino.
Nagpa-press conference naman ang Queen of All Media na si Kris Aquino para lang ipaalam sa publiko ang kanyang taus-pusong tulong sa kanyang pinsan na si Bam.
Napakalaking sugal ang ginawang ito ni Kris dahil mahigpit na ipinagbabawal sa ilang kontrata ng mga produktong ini-endorso ng aktres na bawal mangampanya para sa isang kandidato.
Sa pagnanais niyang makatulong kay Senator Bam, naghanap si Kris ng paraan sa pamamagitan kanyang mga abogado, upang hindi magkaroon ng paglabag sa kanyang mga kontrata.
Para kay Kris, si Bam ay karapat-dapat maging lingkod-bayan dahil sa kanyang puso para sa mga kapwa Pilipino. Itinanggi rin ni Kris ang mga balitang mayroong hidwaan sa pagitan ng pamilya Aquino at mga Duterte.
Pati ang Pinoy Big Brother host na si Bianca Gonzales, nagpahayag na rin ng suporta sa kandidatura ni Senator Bam.
Sa kanyang personal na social media account, nanawagan pa si Bianca sa mga botante na isama si Bam Aquino sa kanilang listahan ng senador.
Una rito, nagpahayag ng suporta kay Senator Bam ang ilang malalaking pangalan sa Senado, tulad nina Senate President Tito Sotto, at mga senador na sina Panfilo “Ping” Lacson, Grace Poe at Joel Villanueva.