Duterte ‘no show’ sa gala dinner ng Belt and Road Forum sa China
Bigong makadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa gala dinner ng Belt and Road Forum sa Beijing Biyernes ng gabi dahil sa iniindang migraine.
Ito ang kinumpirma mismo ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang text message.
Hindi naman sinabi ni Panelo kung nagpadala ng kinatawan ang pangulo sa gala dinner na pinangunahan ni Chinese President Xi Jinping sa Great Hall of the People.
Bago ang gala dinner, natunghayan pa ng presidente ang paglagda sa 19 na trade and investment deals sa Grand Hyatt Hotel kung saan nagbigay ito ng maiksing talumpati.
Hindi ito ang unang beses na hindi nakadalo sa ilang events at meetings ang pangulo sa mga international summit at conferences.
Noong November 2018, bigong makadalo ang pangulo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Australia Informal Breakfast Summit at gala dinner sa Singapore.
Iginiit ng Malacañang na kinailangan ng presidente na mag-power nap sa pagitan ng mga pulong upang makabawi mula sa kakulangan ng tulog.
Hindi rin nakadalo ang presidente sa gala dinner ng APEC Summit sa Papua New Guinea.
Samantala, ngayong araw ng Sabado ay nakatakdang dumalo sa ilang events ang pangulo kabilang ang dalawang high-level roundtable sessions bago bumalik ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.