Sen. Cynthia Villar nagbanta na kakasuhan si Agriculture Sec. Manny Piñol

Hindi magdadalawang isip si Senator Cynthia Villar na kasuhan si Agriculture Secretary Manny Piñol at ang mga opisyal ng PhilRice kapag hindi sinunod ang paggamit ng Rice Competitiveness and Enhancement Fund.

Ang pagbabanta ni Villar ay nag-ugat sa sinasabing pahayag ni Piñol na pabor ito sa pamamahagi ng hybrid seeds sa mga magsasaka.

Pagdidiin ng senadora nakasaad sa Rice Tarrification Law na ang pondo ay dapat gamitin sa pagtuturo sa mga magsasaka sa pagtatanim ng inbred seeds sa halip na bumili ng napakamahal na hybrid seeds.

Banggit ni Villar may bilyun-bilyon pisong pondo ang kagawaran para sa hybrid seeds na maaring pag ugatan ng korapsyon.

Pagdidiin nito kasama sa maaring pagkagastusan ng Rice Competitiveness and Enhancement Fund ay ang pagtuturo sa mga magsasaka, lider ng kooperatiba o farmers association na magpatakbo ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka para mas maraming anihin gamit din ang inbred seeds.

Aniya kapag nasunod ito ay aabot sa 50% ang itataas ng ani ng bawat magsasaka kayat lalaki ang kanilang kita.

Sinabi ni Villar na napapag iwanan na ang Pilipinas ng Thailand at Vietnam sa usapin ng paggamit ng teknolohiya sa agrikultura.

Sa banta ni Villar kay Pinol, sinabi nito na naghahanap na siya ng mga abogado para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kalihim at mga opisyal ng Philrice kapag hindi sinunod ang ilang probisyon sa Rice Tarrification Law lalo na ang tamang paggamit sa pondo.

Read more...