Tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) at Angat Dam Technical Working Group na hindi apektado ang suplay ng tubig para sa mga bahay sa gagawin nilang pagbabawas ng suplay para sa mga irigasyon.
Ayon kay Dr Sevillo David Jr, Executive Director ng NWRB, ibababa ang suplay ng tubig sa irigasyon mula sa Angat dam sa 10 cubic meters per second kada araw sa buong buwan ng Mayo.
Kumpara ito sa kasalukuyang 35 cubic meters per second ngayong Abril na mas mababa na sa 40 cubic meters per second noong Marso.
Mananatili naman sa 48 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig para sa domestic use.
Ang mga pagbabagong ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat na alas 6:00 ng umaga ng Biyernes ay naitala sa 180.73 meters na malapit na sa minimum operating water level na 180 meters.
Sa pagtaya ng NWRB, base sa datos ng PAGASA, ngayong weekend babagsak sa 180 meters ang tubig sa aAgat at tinatayang bababa pa sa 173.13 meters sa katapusan ng Mayo.