Sa araw ng Linggo maaring maabot na ng Angat dam ang low water level nito na 180 meters.
Ayon sa PAGASA Hydrology Division, kapag umabot na sa low water level maaring bawasan o ‘di kaya ay tuluyang putulin ang suplay sa irigasyon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Edgar Dela Cruz, PAGASA hydrologist na kahit umabot sa 180 meters ang water level sa Angat ay magtutuloy-tuloy pa rin ang suplay ng tubig para sa domestic use.
Ipinaliwanag ni Dela Cruz na hindi agad maaapektuhan ang suplay ng tubig sa Metro Manila partikular ang mga sineserbisyuhan ng Maynilad.
Ayon kay Dela Cruz kung magtutuloy-tuloy ang kawalan ng pag-ulan at umabot sa 160 meters ang level ng Angat dam ay doon lamang maaring maranasan ng Maynilad ang naranasang kakapusan ng tubig gaya ng nangyari sa Manila Water noong Marso.
Inaasahan naman aniyang pagsapit ng Mayo, kahit umiiral pa rin ang weak El Nino ay makararanas na ng mga pag-ulan dulot ng thunderstorms.