2 lalaking hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo patay sa QC

Nasawi ang dalawang lalaking hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo sa engwkentro sa Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Ayon kay Novaliches Police commander Pol. Lt. Col. Rossel Cejas, wala pang pagkakakilanlan ang dalawang suspek.

Ang mga suspek ay ang nasa likod ng serye ng mga insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Novaliches.

Nakatanggap ng sumbong ang pulisya bandang alas-11:45 kagabi tungkol sa pagnanakaw ng isang tricycle na pagmamay-ari ni Rodrigo Cruz.

Ayon kay Cruz, pinara siya ng mga suspek at sumakay ang mga ito sa kanyang tricycle.

Ilang sandali lamang ay tinutukan na siya ng mga ito ng baril at tinangay na ang kanyang sasakyan.

Namataan ang tricycle sa bahagi ng Quirino Highway at dito na nagpang-abot ang mga pulis at suspek.

Pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis at nauwi na ito sa engkwentro.

Narekober sa crime scene ang dalawang kalibre .38 na baril.

Read more...