Mayor Lim, sinampahan ng kasong graft dahil sa parking meter
Kinasuhan ng paglabag sa anti-Graft L sa Ombudsman ng isang dating kagawad ng media si dating Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa pagpasok umano nito sa maanomalyang transaksyon ng pagkakabit ng milyon pisong halaga ng mga parking meters sa buong lungsod noong ito ay alkalde pa ng Maynila.
Sa reklamong inihain ni Ricardo Santos Cruz, inakusahan nito sina Lim, Tokagawa Global Corporation president Rorie Cariaga at Matsuyama Corporation Managing officer Napolen Ibalio sa kuwestyonableng pagpasok sa P3.46 bilyon kontrata para sa instalasyon ng mga parking meters noong Spetember 17, 2012.
Ayon kay Cruz, tatagal ang naturang proyekto ng 25 taon.
Sa ilalim aniya ng pinasok na kontrata ni Lim, 20 porsiyento ng kabuuang kita ng mga parking meter ang mapupunta sa lokal na pamahalaan ng Maynila samantalang 80 porsiyento ang mapupunta sa dalawang korporasyon na magkakabit at mangangasiwa dito.
Gayunman, giit ni Cruz, agrabyado ang Maynila sa naturang kasunduan dahil sa mahigit 11 milyong pisong investment ng Tokagawa at Matsuyama Corporation, kumita na ang mga ito ng mahigit sa P216 milyon sa loob pa lamang ng dalawang taon.
Kung magpapatuloy aniya ang kontrata sa loob ng 25 taon, kikita ng kabuuang P2.77 bilyon ang dalawang kumpanya samantalang P693.48 milyon lamang ang papasok sa kaban ng bayan ng Maynila.
Dahil dito, malaki aniya ang ikalulugi ng Maynila sa naturang transaksyon at dito, sinisisi ni Cruz ang dating alkalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.