Bantang giyera sa Canada ‘figure of speech’ lang ayon kay Lorenzana

‘Figure of speech’ o tayutay lamang ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na giyera laban sa Canada ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana.

Ang pahayag ng kalihim ay matapos sabihin ng presidente na magdedeklara siya ng giyera sa Canada kapag hindi nito kinuha ang tone-toneladang basura na itinapon sa Pilipinas.

Ayon kay Lorenzana, sinabi lamang ito ng pangulo upang ipahayag ang kanyang sobrang pagkadismaya.

“It was just a figure of speech to dramatize his extreme displeasure,” ani Lorenzana.

Ang pahayag ng presidente ay umani ng samu’t saring reaksyon at ilan sa mga senador ay hinimok ang pangulo na magpakita ng kaparehong tapang laban sa China sa pag-okupa nito sa West Philippine Sea.

Samantala, sinabi ni Lorenzana na kung siya ang masusunod ay tutugisin niya ang importer ng mga basura.

Ang 2,400 tonelada ng basura ay inimport ng consignee na nakabase sa Valenzuela City na Chronic Plastics Inc. anim na taon na ang nakalilipas.

Nagpahayag na ang Canada ng kahandaang makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas para maresolba ang isyu.

Read more...