Mga tauhan ng BI sa NAIA inalerto dahil sa pagdami ng OFWs na gumagamit ng pekeng OEC
Umabot sa labingpitong OFWs na gumagamit ng pekeng mga Overseas Employment Certificate o OEC ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport sa kasagsagan nitong nakalipas na Semana Santa.
Ayon kay Immigration TCEU Chief Erwin Ortanez, itinaon ng nasabing mga OFWs ang pagtatangkang umalis ng bansa sa kasagsagan ng dagsa ng mga pasahero nitong peak travel season sa pag-aakalang mas maluwag ang inspection sa airport dahil sa dami ng tao.
SInabi ni Ortanez na pawang peke ang dalang POEA Clearance at pre departure orientation seminar certificates ng mga hinarang na OFWs.
Nadiskubre ng BI na bagamat mga peke ang POEA clearance at OECs ng mga ito, mayroong silang dalang mga working visas na galing sa kanilang mga recruiter.
Sampu sa 17 OFWs na ito ay hinarang sa NAIA Terminal 1 habang ang iba ay nasabat sa NAIA Terminal 2.
Karamihan sa mga ito ay patungo sanang Dubai, Saudi Arabia at Thailand.
Dahil dito, nag-doble alerto pa ang mga immigration personnel sa airport departure counters para masigurong hindi malulusutan ng mga sindikatong nagpapalusot ng mga OFWs na maaring biktima ng human trafficking at mga illegal recruiters.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.