Endorsement power ni PNoy bumagsak sa Metro Manila
Bagsak sa minus 25 o negative 26 (-26) ang endorsement rating ni Pangulong Benigno Aquino III sa pinakahuling resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS.
Sa survey na isinagawa nitong nakalipas na November 26-28, lumabas na tumanggap ng negative 26 (-26) percent si Pangulong Aquino sa Metro Manila.
Ibig sabihin ay mababa ang tsansa na iboto ng mga taga-Metro Manila ang kanyang ieendorsong kandidato.
Sa kabuuan, umani ng negative 6 percent (-6) net effect of endorsement ang Pangulo.
Mas pinapaboran pa ng mga respondents ang mga ieendorsong kandidato ng mga lokal na opisyal, na tumanggap ng positive 15 (+15), mga lider ng simbahan (+14) at kaanak (+13), batay sa resulta ng survey.
Nakuha ang resulta sa pamamagitan ng pagtatanong sa may 1,200 respondents sa buong bansa.
Gayunman, sa mga survey ng endorsement power ng mga nakaraang pangulo, pawang negatibo rin ang resulta.
Si dating Pangulong Joseph Estrada ay tumanggap dati ng negative 6 (-6).
Negative 16 (-16) naman si Fidel Ramos at negative 34 (-34) naman si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.