Babae nailigtas sa tangkang panghahalay sa loob ng isang taxi; 2 suspek napatay ng mga pulis

By Dona Dominguez-Cargullo, Jong Manlapaz April 25, 2019 - 09:33 AM

Police banner
Nailigtas ang isang babae sa tangkang panggagahasa sa kaniya ng dalawang suspek sa madilim na bahagi ng Payatas Road sa Quezon City.

Sa ulat ng Quezon City Police District, nakatanggap sila ng tawag mula sa 911 na mayroong kahina-hinalang taxi na nakaparada sa Leyte Street kanto ng Payatas Road sa Brgy. Payatas at may sakay na mga lalaki.

Rumesponde ang mga tauhan ng station 6 ng QCPD sa lugar at nang sila ay dumating ay bigla silang pinaputukan ng dalawang suspek na sakay ng taxi.

Agad gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng dalawang suspek na ang isa ay nakasuot ng itim na T-shirt, pulang jacket, asul short, itim na sombrero at itim na mask; habang ang isa ay nakasuot ng itim na T-shirt at light brown short.

Nang lapitan na ng mga pulis ang taxi nagulat sila nang Makita ang isang hubo’t hubad na babae.

Ayon sa hindi pinangalanang babae, dinukot siya ng mga suspek sa Luzviminda St., Brgy Batasan Hills, isinakay siya ng taxi at tinangka siyang gahasain.

Nakuha sa lugar ang dalawang kalibre 38 na revolver na may mga bala, isang itim na bag,
plastic sachet ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia, at ang taxi na kulay puti at may plakang VFK 686.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

TAGS: encounter, payatas road, police operation, QCPD, quezon city, Radyo Inquirer, rape suspects, encounter, payatas road, police operation, QCPD, quezon city, Radyo Inquirer, rape suspects

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.