Amnesty International, nababahala sa mga pahayag ni Mayor Duterte
Nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Amnesty International sa human rights record ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte at ang mistulang pagsuporta ng mga Pilipino sa ginagawa ng alkalde.
Ayon kay Ritz Lee Carlos, chairman ng Amnesty International Philippines, matagal na nilang binabantayan ang mga sinasabi ng alkalde kahit hindi pa ito nagdedeklara ng kanyang hangaring tumakbo bilang pangulo ng bansa.
Partikular aniya silang nabahala sa pahayag kamakailan ng alkalde na buhayin ang death penalty at mnagsagawa ng execution linggu-linggo sakaling manalo bilang Pangulo sa susunod na eleksyon.
Bagamat wala aniyang pormal na kasong kinakaharap si Duterte, matagal nang may mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao na ipinupukol sa alkalde.
Ayon naman kay Wilnor Papa, isa sa mga campaigner ng AI, batid nilang may sulirnanin sa isyu ng kriminalidad sa bansa, ngunit hindi aniya sagot ang pagpatay sa mga kriminal na gumagawa ng krimen.
Bukod dito, nakakabahala rin aniya ang naging tugon ng mamamayan na mistulang natutuwa pa sa posibleng mangyari sakaling manalo ang si Duterte.
Noong mga nakaraang taon, naglabas na rin ang Amnesty International ng mga report ukol sa pamamayagpag ng Davao Death Squad sa lungsod ng Davao.
Panawagan ng grupo, maging bahagi ng adbokasiya ng bawat kandidato sa 2016 elections ang pagrespeto sa karapatang pantao ng lahat ng mga indibidwal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.