Batang Aeta na nasugatan sa lindol sa Luzon, pumanaw sa ospital
Pumanaw sa ospital ang isang 2 taong gulang na batang Aeta na nasugatan sa magnitude 6.1 na lindol na sumira sa kanilang bahay sa Floridablanca, Pampanga.
Dalawang araw makalipas na masugatan sa lindol ay pumanaw si Rommel Tamtam habang naka-confine sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital Miyerkules ng hapon.
Ang bata ay tinamaan ng hollow block sa gitna ng pagyanig.
Ayon kay Dr. Monseratt Chichioco, pumalya na ang baga ng bata sa paghinga.
Una nang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa 16 katao ang namatay sa lindol.
Dahil sa pagyao ni Tamtam ay umakyat na sa 17 ang bilang ng mga nasawi sa lindol na tumama sa Luzon kabilang ang Metro Manila noong Lunes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.