Malay, Aklan Mayor sinibak ng DILG dahil sa pagpapabaya sa Boracay

Isinilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dismissal order laban kay Malay, Aklan Mayor Cicero Cawaling matapos sabihin ng Ombudsman na guilty ito sa pagpapabaya sa Boracay.

Bukod kay Cawaling ay sinibak din sa pwesto si Malay licensing officer Jen Salsona.

Ayon sa DILG, may nakitang sapat na ebidensya ang Ombudsman laban sa dalawang lokal na opisyal dahil noong sila ang nakaupo sa pwesto ay ilang istablisyimento sa isla ang nag-operate ng walang kaukulang safety inspection certificate habang ang iba ay walang mga permit.

Ilan sa mga negosyo ay sumakop sa 25+5 meter easement at lumabag sa Malay Municipal Ordinance No. 2000-131.

“By not implementing this Ordinance, Cawaling violated Section 444 (b) (2) of Republic Act 7160, which commands him to enforce all laws and ordinances relative to the governance of the Municipality of Malay,” pahayag ng Ombudsman.

Bukod sa dismissal ay forfeited ang mga benepisyo nina Cawaling at Salsona at diskwalipikado na sila sa anumang pwesto sa gobyerno.

Nag-ugat ang kaso laban sa dalawa mula sa reklamong isinampa ng DILG laban sa 18 lokal na opisyal base sa resulta ng imbestigasyon ng Boracay Investigating Team.

Matatandaan na matapos tawagin ni Pangulong Rodrigo Duterte na cesspool ang isla ay anim na buwan na isinara ang Boracay noong nakaraang taon para sa rehabilitasyon.

Read more...