Duterte nasa China na; dagdag na ‘Build, Build, Build’ projects target sa 4th trip
Dumating na si Pangulong Rodrigo Duterte sa China Miyerkules ng gabi para dumalo sa infrastructure forum at makipag-pulong sa mga lider ng bansa.
Lumapag sa Beijing International Airport ang eroplanong lulan ang Pangulo at delegado nito alas 7:40 ng gabi at tinanggap sila ng mga opisyal ng China at Pilipinas.
Bukod sa kanyang official family ay kasama ng Pangulo ang partner nitong si Honeylet Avanceña at anak nilang si Veronica sa four-day visit.
Nasa China ang Pangulo para sa Second Belt and Road Forum for International Cooperation mula April 25 hanggang 27.
Araw ng Huwebes ay may bilateral meeting si Pangulong Duterte kina Chinese President Xi Jinping at Chinese Premier Li Keqiang.
Una nang sinabi ni Philippine Ambassador to Beijing Jose Santiago “Chito” Sta. Romana na pag-uusapan ng mga lider ng dalawang bansa ang ilang isyu kabilang ang agawan ng teritoryo sa rehiyon.
Ito na ang pang-apat na beses na pagpunta ng Pangulo sa China at layon nito ang dagdag na mga proyektong pang-imprastraktura para isulong ang “Build, Build, Build” projects ng kanyang gobyerno.
Ilan sa mga proyekto sa bansa na pinondohan ng China ang kontrobersyal na Kaliwa Dam at Chico River Pump Irrigation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.