Hindi na magdedeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Pampanga o kahit sa 2nd district nito na naapektuhan ng 6.1 magnitude na lindol na tumama sa Luzon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Pampanga Governor Lilia Pineda, nagpasya siyang huwag nang ideklara ang state of calamity para maiwasan na rin ang intriga ngayong malapit na ang eleksyon.
Dagdag pa ni Pineda, maayos naman ang sitwasyon ang ibang bayan sa Pampanga at ang Porac at Floridablanca lamang ang naapektuhan.
Ayon pa kay Pineda, sapat naman sa ngayon ang naipagkakaloob na tulong ng provincial government sa mga naapektuhan ng lindol.
Malaking tulong din aniya ang mga ipinangakong tulong ng national government matapos na magtungo doon si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang kaniyang mga gabinete.