Sa isang panayam, kinumpirma ni San Julian information officer Irene Consultado na nagkaroon ng kaunting lamat ang municipal building at may pinsala rin sa San Julian Church.
Sa mga larawang ibinahagi ng Diocese of Borongan, makikita ang pagbagsak ng imahen mula sa sanctuario at maging ang pagbagsak ng mga bato mula sa pader ng simbahan.
Ayon pa kay Consultado, nagtamo rin ng pinsala ang ilang mga tulay sa Barangay Pagbabangnan at Barangay Casoroy ngunit walang ulat ng pagguho.
Ayon sa San Julian LGU, nagsagawa na ng inspeksyon si Mayor Dennis Estaron sa mga apektadong lugar.
Mayroon umanong naitalang dalawang nasaktan bunsod ng pagyanig.
Sa isang video naman na i-pinost din ng Diocese of Borongan, walang naitalang pinsala sa Borongan Cathedral.
Sa Sulat, Eastern Samar naman, ilang bahagi ng pader at pintuan ng St. Ignatius of Loyola Parish ang napinsala rin ng lindol.