Robredo: Gobyerno hindi dapat naglalabas ng hindi beripikadong impormasyon

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na hindi dapat naglalabas ang gobyerno ng hindi beripikadong impormasyon sa pamamagitan ng isang ‘matrix’.

Kaugnay ito ng paglalabas ng Malacañang ng isang matrix na nag-uugnay sa mga abugado at mamamahayag sa tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto.

Sa panayam ng media sa Marawi City, sinabi ng bise presidente na wala namang paliwanag kung paano naisama ang mga mamamahayag at human rights lawyers sa nasabing matrix.

“Ang alam ko lang, marami doon members of the media, mayroon ngang mga human rights lawyers. Wala naman kasing explanation kung paano sila nasama doon. Kaya naman parating with a grain of salt iyong pagtanggap natin ng balita,” ani Robredo.

Inihalimbawa ni Robredo ang pag-ugnay din sa kanya sa isang matrix ng umano’y sangkot sa destabilization plot na hindi naman anya totoo at wala siyang kaalam-alam sa alegasyon.

“Iyong unang matrix na nagde-destabilize ng gobyerno, nandoon ako — iyong pinakauna, ito iyong hindi totoo. So ano iyong chances na ito din ay hindi reliable?”, giit ng bise presidente.

Iginiit ng bise presidente na hindi maganda ang pabibigay ng suspetsa na walang basehan.

Posible anyang makasira sa reputasyon ng mga tao ang matrices na hindi naman validated.

Nauna nang pinabulaanan ng ilang mamamahayag at ng National Union of People’s Lawyers ang umano’y sabwatan para patalsikin ang presidente sa pwesto.

Read more...