32 ISIS members patay sa panibagong air strike ng US-led forces sa Syria
Tatlumpu’t dalawang hinihinalang kasapi ng ISIS ang patay sa pinakabagong air strike na ginawa ng US-led forces sa hinihinalang kuta ng mga militante sa Raqa Province sa Northern Syria.
Sinabi ni Rami Abdel Rahman, pinuno ng UK-based Syrian Observatory for Human Rights na ginawa ang pag-atake ilang oras makaraang ihayag ni US President Barrack Obama na seryoso ang kanyang administrasyon sa pagdurog sa ISIS.
Labing-limang air strikes ang kanilang ginawa na nagresulta sa kamatayan ng mga ISIS members samantalang apatnapu’t lima pa ang sinasabing sugatan sa pambobomba.
Sinabi ni Syrian President Bashar al-Assad na bagaman kalaban nila ang ISIS ay iligal naman daw ang ginagawang air strike ng US dahil wala silang koordinasyon sa Syrian government.
Nauna dito ay sinalakay din ng mga puwersa mula sa Russia at Germany ang mga kuta ng ISIS sa Raqa Province.
Kahapon ay binatikos din ni al-Assad ang pamahalaan ni British Prime Minister David Cameron makaraang pagtibayin ng kanilang Parliament ang hirit nito na sumama sa US led forces sa pagdurog sa ISIS.
Sinabi ni al-Assad na mas lalo lamang gugulo ang sitwasyon at lalong magwawala ang ISIS kapag sila’y pinagtulungan ng maraming mga bansa.
Nanindigan ang nasabing lider na kailangan ang koordinasyon para maiwasan ang mis-encounter sa mga foreign troops na ngayon ay nasa mga bansang nakapaligid sa Syria.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.