Mga gusali sa Makati pinaiinspeksyon ni Mayor Abby Binay

By Dona Dominguez-Cargullo April 23, 2019 - 01:06 PM

Makati City Government Photo
Inatasan ni Makati Mayor Abby Binay ang Office of the Building Official (OBO) na kaagad magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng mga pribadong gusali sa lungsod upang matiyak ang kanilang structural integrity at matukoy kung mayroong tinamong pinsala matapos lumindol kahapon.

Sa kanyang inilabas na memorandum pagkatapos ng lindol, ipinag-utos din ng alkalde sa Department of Engineering and Public Works (DEPW) na inspeksyunin ang lahat ng public buildings at tiyaking nananatilin meg matibay at ligtas para sa publiko.

Nanawagan din si Mayor Abby sa mga pribadong establisimyento na bigyan ng pahintulot ang OBO inspection teams na pumasok upang magsagawa ng rapid damage assessment sa kanilang gusali, at ibigay ang mga kinakailangang impormasyon.

Ayon pa sa alkalde, inatasan niya ang OBO at DEPW na magsumite ng daily inspection reports sa kanyang tanggapan upang matutukan niya ang anumang problema at magawan ito ng karampatang aksyon.

Sa ngayon, may tatlong inspection teams nang na-deploy sa Century City at Rockwell Center, dalawang teams sa Circuit Makati, at tig-isang team sa Rufino Tower, Pacific Star at Eton Tower.

Kasalukuyan ding isinasagawa ang inspeksyon sa iba pang gusali sa City Hall complex, sa UMak at ibang public school buildings, sa Ospital ng Makati, barangay halls at health centers, multi-purpose at covered courts, Makati Homes I and II, at iba pang pampublikong istraktura sa Makati.

Sa pinakahuling ulat sa alkalde, ipinaalam ng Department of Education-Makati na walang inireport na major damage ang karamihan sa mga paaralan sa lungsod. Tanging ang Makati Science High School at La Paz Elementary School ang nag-ulat ng minor cracks na nakita sa pader ng comfort room ng una, at sa perimeter fence o bakod ng huli.

Pagkatapos ng lindol kahapon, kaagad na iniutos ni Mayor Abby ang pag-deploy ng Makati Search and Rescue (SAR) teams upang mag-ikot sa lungsod at tumulong sa mga taong maaaring naapektuhan ng lindol.

Nagdagdag din ng public safety, police at barangay personnel upang mamahala sa daloy ng trapiko, na bumigat sa sabay-sabay na paglabas ng mga motorista at commuter mula sa central business district ng Makati.

Binuksan naman ng Makati Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang mobile command vehicle sa Makati City Hall Quadrangle upang magsilbing Incident Command Post, alinsunod sa disaster response protocols.

Ang mga empleyadong nakatalaga sa Makati C3 (Command Communication and Control Center) sa 22nd floor ng City Hall, na nag-evacuate kasabay ng iba pang kawani ng City Hall, ay tumuloy sa mobile command vehicle kung saan nila ipinagpatuloy ang kanilang operasyon.

Ang mobile command vehicle ay may kakayanang lumikha ng network of communication para sa DRRM Operations Center. Kabilang sa mga kagamitan nito ang portable weather monitoring system, video encoder surveillance hub, built-in 4G/ LTE cellular modem, at Wi-Fi connectivity na nagbibigay-daan upang makapagbigay ng agarang saklolo ang rescue teams sa mga nangangailangan. Nakatatanggap din ito ng mga impormasyon mula sa komunidad.

Sa ngayon, nakaantabay ang mga first responder ng Makati DRRMO, Makati Social Welfare Department at Makati Health Department at handang magbigay ng tulong sa Makatizens kung kinakailangan.

Kasalukuyan namang sumasailalim sa damage assessment ang lahat ng mga barangay sa pangunguna ng kani-kanilang safety officers.

Pinapasok na rin ang mga pangunahing kawani sa City Hall main building matapos inspeksyunin at idineklarang ligtas ng Damage Assessment and Needs Analysis (DANA) team ng OBO at DEPW.

Samantala, sinuspindi ang mga klase sa public schools ng Makati, kabilang ang University of Makati, upang bigyang-daan ang inspection at assessment ng DEPW sa mga gusali.

Pansamantalang nakasara ang ilang malls at pribadong establisimyento upang maisagawa ng structural inspection ng mga ito.

Hinihimok ang Makatizens na manatiling mahinahon ngunit alerto, at maging handa sa posibleng aftershocks. Kapag kailangan ng tulong, tumawag sa hotline 168 o gamitin ang SOS function on Makatizen app.

TAGS: buildings, cdrrmo, disaster office, earthquake, inspection, makati city, buildings, cdrrmo, disaster office, earthquake, inspection, makati city

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Ad
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

News Hub