“Hindi epektibo ang plataporma ng ‘Tuwid na Daan’ para kay Mar” – Off Cam ni Arlyn Dela Cruz
Hindi kapangahasan o kalabisang sabihin na nais ng Pilipino ng makabuluhang pagbabago sa lalong madaling panahon sa ilalim ng bagong pamumuno.
Ang salitang pagbabago at kaakibat na pangako ng bawat halalan, at ito ang tila nalimutan ng kampo ni dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Sa mga survey na naglalabasan, mababa ang rating ni Roxas at ganun din ng kanyang ka-tandem na si Rep. Leni Robredo. Hindi kaya ito ay dahil sa mensahe o tatak na kanilang bitbit sa kanilang pagpapakilala o pagsusulong ng kanilang kandidatura? Hindi kaya sa halip na makatulong, ang “Pagpapatuloy ng Daang Matuwid” bilang batayan ng kanilang plataporma ang siyang nakakapigil sa pagkilala o positibong pagtingin ng mamamayan sa kanilang kandidatura?
Balikan natin si Roxas, hindi ba’t bago namatay si dating Pangulo Corazon Aquino ay nakaporma naman na siya bilang isang kandidatong hinog na sa panguluhan? He projected himself then as his own man, as someone with a clear vision of management, governance and leadership of the country. Nagbago ang lahat nang mamatay si Cory at naging mabangong kandidato na sa panguluhan ang kanyang anak na si Benigno Aquino III.
Kung nagawa noon ni Roxas na tumuntong sa kanyang mga nagawa na o karanasan na mahaba-haba na rin naman sa larangan ng public service sa iba’t ibang posisyong hinawakan niya sa pamahalaan, bakit hindi niya ito gawin ngayong siya na ang kandidato sa panguluhan?
This is the biggest battle of his political career, why bank on the laurels of others? Sabihin na nating maganda nga ang iiwanan o papalitang polisiya, just for the sake of argument, kunwari ay tanggapin nating pawing maganda nga ang iiwanan ng Tuwid na Daan ni Pangulong Aquino, hindi ba nakikita na ang huhusgahan ay hindi ang nakaupong pangulo kundi ang gustong maging pangulo?
Sa kabilang dako, sa dami ng batikos sa administrasyon ngayon, lalong-lalo na sa usapin ng traffic management at usapin ng kawalan ng matatag na mass transportation, ang pagpapatuloy o pagsusulong ng pagpapatuloy ng polisiya o pamamahala na hindi nakatugon sa mga problemang ito ay pagpapakita na kahit na anong daing ng mamamayan, tila balewala sa nagnanais na maging pangulong si Roxas. Dumadaing sa kawalan ng aksiyon tapos ipagpapatuloy mo? Liban na lamang kung talagang naniniwala sila na ginawa na nila ang pinakamainam na solusyon sa mga problema ng bansa, ibabandila mo nga ang pagpapatuloy.
But clearly, there is a mismatch between the claim and reality.
Ang hindi pagkilala ng mga pagkukulang at mga hindi nagawa ay paglalayo ng loob sa mga taong hinihimok mong pagtiwalaan ka bilang pinakamagaling na kandidatong pangulo.
Ang paggiit din ng pagpapatuloy ay pagsasabi ng tila monopolya sa magandang layunin para sa pamumuno ng bansa. Na kung hindi ka dilaw, kampon ka na ng kadiliman at kapahamakan na ang dala mo. Arrogance is never a good foundation for any candidate for that matter.
Kung aangat ang ratings nina Roxas at Robredo, malinaw na hindi ito dahil sa kasalukuyan tinutuntungan nilang konsepto ng pagpapatuloy.
Tumakbo ka bilang si Mar. Si Mar ang ibantog mo. Ano ba talaga ang gustong gawin ni Mar? Ano ba ang sa tingin ni Mar ang tunay na problema? Pero paano mo nga matutukoy ang problema kung hindi mo nga kinikilala ang mga problema sa nakalipas na higit limang taon?
Kung basta ganun at itutuloy mo lang, at kung di naman mawawala sa opisyal na listahan ng mga kandidato ang mga malalakas na kandidato ngayon pa lamang, huwag nang umasa na tataas pa ang rating sa mga surveys.
Hindi ko naman sinasabing surveys ang magpapanalo sa mga kandidato. Katunayan, ang mga pulitiko nga ang naniniwala sa bisa nito. Pero sa hanay nilang naniniwala, ito’y indikasyon na hindi katanggap-tanggap ang pundasyon ng isinusulong na kandidatura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.