(Breaking) Niyanig ng isang malakas na lindol ang malaking bahagi ng Luzon pasado alas-singko ng hapon.
Sa paunang ulat ng Philvocs, naitala ang epicenter ng pagyanig sa Silangang bahagi ng Castillejos, Zambales at mayroon itong lakas na magnitude 5.7.
Naganap ang tectonic earthquake 5:11 ng hapon at ito ay may lalim 21 kilometers.
Sa hiwalay na ulat ay sinabi ni US Geological Survey na umabot sa magnitude 6.4 ang pagyanig.
Sinabi ni Philvocs Director at Department of Science and Technology (DOST) Usec. Renato Solidum na hindi pa ito ang tinatawag na “the big one”.
Wala rin umanong posibilidad na magkaroon ng tsunami.
Sa inisyal na ulat ng ahensya, naramdaman ang lindos sa lakas na intensity 5 sa Malabon City at Quezon City.
Intensity 4 sa mga bayan ng Magalang, San Fernando at ilan pang bahagi ng Pampanga.
Sa Metro Manila ay naramdaman rin ito sa lakas na intensity 4 samantalang intensity 3 naman sa lalawigan ng Cavite.
Sinabi ni Solidum na kumukuha pa sila ng mga dagdag na detalye kaugnay sa naganap na pagyanig kasabay ang babala na posible pa ring makaramdam ng ilang aftershocks.