“Mga dapat iwasan na kandidatong senador” sa ‘WAG KANG PIKON NI JAKE MADERAZO

By Jake Maderazo April 22, 2019 - 11:26 AM

DALAWAMPU’T isang araw na lang bago ang eleksyon, hindi pa rin tayo desidido kung sino-sino ang pipiliing mga senador o maging sa mga posisyon sa local.

Ito ang panahon upang suriin nating mabuti kung kakagatin natin ang mga pangako, plataporma at propaganda ng pumupusturang kandidato.

Ang kailangan natin ngayon ay mga “nation-builders” o yung totohanang magsusulong sa
kaunlaran ng bansa, maging oposisyon o administrasyon.

Kailangan natin ng mga taong may sinserong layunin upang iangat ang kabuhayan ng bawat Pilipino sa napakabilis na takbo ng modernisasyon at panahon.

Sa totoo lang, masyadong matagal na tayong hinati-hati ng nakaraang mga lider ng bansa habang walang humpay naman ang pangungurakot ng kanilang mga alipores.

Matagal na tayong pinagsasamantalahan ng mga pulitiko na ang tunay layunin ay isulong ang mga business interests ng kanilang mga “campaign financiers” na kumukontrol din ng malalaking negosyo sa bansa at dahilan ng pagtaas ng bayarin sa tubig, kuryente at iba pang serbisyo ng gobyerno.

Isa pang dapat bantayan ay ang track record ng kandidato nang sila’y nasa gobyerno.

Kung sila’y nakasuhan ng graft and corruption at nakulong na, pwede bang huwag na natin silang iboto?

Kung sila’y naglingkod na sa gobyerno ng ilang taon, noong panahon ni Erap, GMA at PNoy, pero wala namang ginawa para sa mahihirap at ang inasikaso ay kapakanan ng mga kliyente nilang elitista, huwag
na natin silang iboto.

Hindi ka ba nagtataka kung bakit maraming pera ang mga kandidato sa kanilang campaign materials, pati radio and tv commercials? Hindi n’yo ba napapansin na kapag merong malaking korporasyon o malaking tao na naiiskandalo, tahimik ang maraming senador at ayaw magpatawag ng congressional investigation at kung meron man ay halatang halata mong “whitewashed”
ang resulta?

Kung ang kandidato ay walang ginawa kundi itulak tayo sa digmaan sa China o kaya’y sa mga rebeldeng CPP-NPA sa bansa, pwede bang huwag na rin silang iboto dahil pagkakahati-hati ng sambayanan ang gagawin ng mga iyan.

Kung ang mga kandidato ay umiiwas at walang masabi sa sobrang laganap na ilegal na droga na pumiperwisyo sa mga mahihirap pati na ang mga party drugs na sumisira sa mga estudyante, iba po ang kanilang agenda” at hindi para sa taumbayan.

Tama lang na mag-i-ngay sila sa “human rights violations”, pero hindi naman tamang itigil ang kampanya ng PNP at PDEA laban dito.

Sa mga nagbabalik na kandidato sa pagka-senador, pag-aralan natin kung paano nila ginamit ang kanilang “pork barrel”. Ito ba ang prayoridad nila sa taun-taong paggawa ng “national budget”?

At isa pa, kumampi ba sila sa P8-bilyong “Borloloy Senate building” na itatayo sa Global city kahit dapat ay inilalaan sa “social services” ang pondong ito?

Ang kailangan natin ay mga kandidatong para sa kapayapaan, hindi digmaan.

Mga kandidatong galit sa corruption, galit sa ilegal na droga at totoong poproteksyunan
ang nakararaming mahihirap sa mga maniobra ng elitista sa patuloy na pagtaaas ng presyo ng tubig, kuryente, toll fees, matrikula, bigas at iba pang mga pangunahing bilihin.

Mga kandidatong pag-iisahin ang ating bansa, hindi paghahati-hatiin sa ibat ibang agenda. Lalo na iyong mga nagmamada-ling makabalik sa kanilang kapangyarihan at naglala-yong patalsikin ang kasalukuyang administrasyon.

Hindi ba kayo makapaghintay hanggang 2022 tulad ng pagtitiis natin sa panahon nina GMA
at PNoy?

Panoorin ang Banner story sa DZIQ, Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8 hanggang alas 9 ng umaga. Mag-email [email protected] para sa comments.

TAGS: 2019 elections, Radyo Inquirer, senatoriables, 2019 elections, Radyo Inquirer, senatoriables

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.