Sa kabila ng mga babala at paalala ng mga awtoridad na hindi pa pwedeng paliguan ang Manila Bay, libu-libong Manileño ang dumagsa sa Baseco beach sa Tondo, Maynila, kahapon, Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, umabot sa 5,000 katao ang naligo sa dagat ng Baseco kahit kitang-kita ang naglulutangang mga basura.
Mayroong mga naglagay ng tent at picnic mats para sa salu-salo ng kanilang mga pamilya.
Iginiit ng ilan sa mga beachgoers na enjoy ang paliligo nila sa Manila Bay dahil malapit ito at wala pa silang babayaran.
Makailang beses na nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa peligro ng paliligo sa Manila Bay dahil mataas pa rin ang coliform level sa tubig nito kahit umarangkada na ang rehabilitasyon.
Aminado naman si Brgy. 649 chairwoman Diana Espinosa na hindi nila kayang mapigilan ang mga residenteng maligo sa dagat kaya’t pinakamaigi na lamang nilang gawin ay ang magbantay.
Anya, mayroong nakahandang rescuers at first aid teams sa lugar.
Samantala, sa kanyang pahayag araw ng Linggo, hindi ninais ni Enviroment Sec. Roy Cimatu na maging balakid sa kasiyahan ng mga tao sa Linggo ng Pagkabuhay.
Nagpaalala na lang ang kalihim na agad na tumungo sa health centers ang mga naligo sa Manila Bay kung hindi maganda ang kanilang pakiramdam.
“Kaysa magsilbing panira sa kasiyahan ng Linggo ng pagkabuhay ang aming magiging pahayag, mas mamarapatin na lang namin na ipaalala sa taumbayan na nagswimming sa Manila Bay partikular na sa Baseco area na kapag may naramdamang hindi kanais nais ay agarang magtungo sa malapit na health center upang magpa chek up,’’ ani Cimatu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.