Ayon sa pulisya, walong magkakahiwalay na pagsabog ang naganap sa tatlong high-end na hotel at ilang simbahan sa kasagsagan ng misa para sa Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon kay Ruwan Gunasekera, tagapagsalita ng pulisya sa Sri Lanka, suicide bombers ang responsable sa dalawa sa walong pagsabog sa lugar.
Unang naganap ang pagsabog sa St. Anthony’s Church sa Colombo at St. Sebastian’s Church sa Katuwapitiya, Negombo.
Aniya, aabot naman sa 450 na katao ang sugatan habang tatlong katao ang naaresto.
Sinabi naman ni foreign ministry secretary Ravinatha Aryasinha na nasa 27 katao ang isinugod na sugatan sa Colombo National Hospital.
Sa Facebook page ng St. Sebastian’s Church, humiling ang simbahan sa publiko ng tulong lalo sa mga kaanak ng mga biktima.
Samantala, mariing kinondena naman ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe ang sumiklab na pag-atake sa lugar.
Hinikayat nito ang publiko na manatili ang pagkakaisa at matibay sa kinakaharap sa trahedya.
Iwasan aniya ang pagkakalat ng mga hindi beripikadong balita at ispekulasyon sa social media.
Tiniyak naman nito ang agarang aksyon ng gobyerno para kontrolin ang sitwasyon sa lugar.
Sa ngayon, hindi pa malinaw ang kung ano ang intensyon at sino ang responsable sa pag-atake.