Obama, hindi magpapatinag sa grupo ng ISIS
Nanindigan si US President Barack Obama na hindi siya magpapatinag sa pag-protekta sa Amerika mula sa banta ng Islamic State group.
Sa kaniyang nation address nitong Sabado (Linggo sa Pilipinas), idineklara niyang hinding-hindi matatakot ang Amerika sa mga ginagawa ng IS group.
Ito’y matapos hirangin ng IS ang mag-asawang nagsagawa ng mass shooting sa San Bernardino, California sa pakikidigma para sa kanila.
Masinsinan nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang mga ebidensya pati na ang background ni Syed Farook at asawa nitong si Tashfeen Malik na namaril sa isang social service center noong Miyerkules.
Dahil dito, tiniyak ni Obama na babantayan niya ang kaligtasan ng mga nasa Amerika sa gitna ng hinihinalang pag-atake.
Kung mapapatunayang may kaugnayan nga ito sa terorismo, ito na ang maitatalang pinakamadugong pag-atake mula noong September 11, 2001 o 9/11 attack.
Sa pahayag ng White House, magbibigay ng update si Obama tungkol sa kabuuan ng banta ng terorismo, kung anong uri ito, paano ito nabuo at kung pano ito masusupil.
Kasabay nito ay nagpahayag ng paninindigan si Obama na bubuwagin niya ang ISIL at na mamamayagpag ang hustisya.
Bagaman sinabi na ng ilang security officials na kasapi na ng grupo ang mag-asawa, para sa FBI, wala pa rin silang nakikitang senyales na magpapatunay na bahagi sila ng mas malaking grupo ng mga terorista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.