Hindi personal na atake kay Pangulong Aquino ang mga naging pahayag ni Vice President Jejomar Binay laban sa administrasyon.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni United Nationalist Alliance (UNA) Spokesperson Mon Ilagan, malinaw naman sa talumpati ni Binay na hindi tinukoy na si Pangulong Aquino ang palpak o manhid.
Sinabi ni Ilagan na ang nasabing atake ay patungkol sa Administrasyon at sa Partido Liberal.
Ayon kay Ilagan, hindi naman napuputol ang relasyon sa pagitan ng bise presidente at ni Pangulong Aquino. Hindi rin aniya maikakaila na talagang malaki ang utang na loob ni Binay sa pamilya Aquino.
“Hindi naman napuputol ang relasyon (between Binay and PNoy). Aminado naman si VP (Binay) na malaki ang utang na loob niya sa mga Aquino at mahal siya ng magkakapatid na Aquino. speaking terms sila ng mga kapatid ni PNoy, hindi naman mapuputol yon eh,” ayon kay Ilagan.
Sinabi ni Ilagan na ang mga inilahad kahapon ni Binay sa kaniyang talumpati ay bahagi ng kaniyang personal na karanasan sa limang taon na pananatili niya bilang miyembro ng gabinete.
Dagdag pa ni Ilagan, naging team player naman si Binay habang nanunungkulan sa PNoy administration at umabot lang ito sa puntong hindi na katanggap-tanggap para sa kaniya ang mga nangyayari.
Sa kabila ng mga alegasyon na ibinabato kay Binay, sinabi ni Ilagan na ang bise presidente ang itinuturing na “best option” ng UNA.
“I have a strong conviction w/ VP Binay. He may not be perfect but still for me or for UNA he is still the best option. Kung meron mang mga allegations sa kaniya, hayaan natin sa court. Inosente pa rin siya, until he is proven guilty,” dagdag pa ni Ilagan / Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.